Nakatakdang maghain ng motion for reconsideration ang pamahalaan kaugnay ng pagbasura ng Timor-Leste sa extradition request ng Pilipinas laban kay dating Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr.
Sa isang panayam, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may iba pang ahensya ng gobyerno, kabilang ang Department of Foreign Affairs (DFA), na kumikilos upang tugunan ang usaping ito.
Binigyang-diin ng kalihim na isang simpleng usapin lamang ito ng isang undocumented na Pilipino na akusado sa isang krimen at dapat maibalik sa Pilipinas upang harapin ang kaso.
Ipinaalala rin ni Remulla na matagal nang nakansela ang pasaporte ni Teves, kaya’t ipinagtataka nila kung bakit naging komplikado ang proseso.
Naniniwala si Remulla na ang naging aksyon ng gobyerno ng Timor-Leste ay hindi makabubuti para sa isang bansang nagnanais maging bahagi ng ASEAN, kung saan isa ang Pilipinas sa mga founding members. | ulat ni DK Zarate