“Patuloy na ipatupad ang batas at maglingkod nang buong husay”
Ito ang naging mensahe at hamon ni Department of Justice Secretary Jesus “Crispin” Remulla sa mga bagong ahente ng NBI kasabay ng pagdaraos ng commencement exercises para sa 52nd National Bureau of Investigation (NBI) Agents’ Basic Training Program.

Nasa 44 na elite class NBI agents ang matagumpay na nakatapos sa kanilang anim na buwang pagsasanay kung saan halos apat (4) na buwan dito ay iginugol sa NBI Academy sa Baguio City habang dalawang buwan naman nito ay nakatuon sa kanilang On-the-Job Training sa NBI main office sa Filinvest Cyberzone sa Pasay City.
Sa kaniyang mensahe, muling ipinaalala ng Kalihim sa bawat ahente kung bakit pinili ng mga ito na tahakin ang landas ng paglilingkod at ito ay upang protektahan ang bawat mamamayan at lumikha ng pagbabago.
Dagdag pa dito, ibinahagi rin ng kalihim ang kaniyang mga pangarap at hangarin na mas tutukan ang pagpapa-unlad ng kakayahan ng bawat kawani at ahente ng bureau.
“We will be looking forward to an NBI whose capability is world class and beyond compare to any other institution… We will build the cybercrime division into the strongest one in the country,” pahayag ng Kalihim.
Kinabibilangan naman ang mga nagsipagtapos ng 32 na abogado, 10 Certified Public Accountants (CPAs) at dalawang (2) registered criminologists. | ulat ni Rigie Malinao