Matapos sumakay sa EDSA Bus Carousel, sunod namang sinakyan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang Metro Rail Transit (MRT) line 3 sa kasagsagan ng rush hour kaninang umaga.
Layon ng naturang inspeksyon na makita ng kalihim ang sitwasyon ng mga tren, at makuha ang pulso ng publiko na tumatangkilik dito.
Kabilang sa mga istasyong ininspeksyon ni Dizon ay ang Taft, Ayala at Shaw Boulevard kung saan, nakausap nito ang ilang pasahero at para kunin na rin ang kanilang mungkahi kung paano mapabubuti ang serbisyo.

Giit ng Kalihim, prayoridad nila na maiwasan ang mahabang pila ng mga pasahero sa tren gayundin ay gawing maginhawa ang biyahe ng mga ito.

Dagdag pa ni Dizon, target naman nila sa ngayon ang paglalagay ng ilaw sa mga madidilim na bahagi ng mga istasyon, pati na ang paglalagay ng mga covered walkway mula sa mga istasyon ng tren patungo sa iba pang sakayan tulad ng bus at jeep. | ulat ni Jaymark Dagala