Isinagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Asian Development Bank (ADB) ang isang konsultasyon para sa iba’t ibang flood control projects na layong palakasin ang proteksyon laban sa pagbaha sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Pinangunahan nina DPWH Unified Project Management Office – Flood Control Management Cluster (UPMO-FCMC) Project Director Ramon Arriola III at ADB Principal Water Resources Specialist Eric Quincieu ang pulong kung saan tinalakay ang mga pangunahing bahagi ng proyekto, pondong kinakailangan, at mga rekomendasyon upang matiyak ang pagsunod sa pambansang prayoridad sa disaster risk reduction.
Kasama sa mga tinalakay sa konsultasyon ang Central Luzon-Pampanga River Floodway Project at ang Integrated Flood Resilience and Adaptation 2 (InFRA 2) Project.
Saklaw ng InFRA 2 Project ang Apayao-Abulug River Basin sa Cagayan, Jalaur River Basin sa Iloilo, at Buayan-Malungon River Basin sa Sarangani at South Cotabato, samantalang nakatutok ang Pampanga River Floodway Project sa pagpapagaan ng pagbaha sa Pampanga at Bulacan sa pamamagitan ng 100-year floodway channel at mga nature-based solutions.
May kabuuang P800 milyon ang nakalaang pondo para sa InFRA 2, na target na pakinabangan ng mahigit sa 145,700 katao. Samantala, ang Pampanga River Floodway ay inaasahang makatutulong sa 356,000 residente.
Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, bahagi ito ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang flood mitigation projects sa bansa. Patuloy rin ang pakikipagtulungan ng DPWH sa DILG, DENR, PAGASA, at iba pang ahensya upang maisakatuparan ang mga proyektong magpapalakas sa kakayahan ng bansa laban sa pagbaha. | ulat ni EJ Lazaro