Photo courtesy of DPWH Bicol
Natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Bicol ang proyektong river control structure sa Brgy. Jamorawon sa Milagros, Masbate na naglalayong mabawasan ang pagbaha at tiyaking ligtas ang pagtawid ng mga residente sa panahon ng tag-ulan at bagyo.
Ayon kay DPWH Bicol Director Virgilio Eduarte, matagal nang nakararanas ng pagbaha sa Brgy. Jamorawon na nagdudulot ng hirap sa paggalaw ng mga tao at transportasyon tuwing masama ang panahon.
Upang tugunan ang suliraning ito, nagtayo ang DPWH ng 12-metrong haba at 7-metrong lapad na spillway structure na nagsisilbing ligtas na tawiran ng mga residente. Nilagyan din ito ng concrete slope protection sa magkabilang gilid upang mapanatili ang tibay ng istruktura at reinforced concrete pipe culvert upang matiyak ang maayos na daloy ng tubig sa lugar.
Bilang dagdag na hakbang sa seguridad, naglagay rin ng 233.72-metrong revetment sa magkabilang panig ng ilog at naglatag ng 15-metrong 2-way concrete pavement sa magkabilang dulo ng spillway upang mapatatag ang pundasyon ng istruktura.
Sa pagtatapos ng proyekto, inaasahang mas magiging ligtas at mabilis na ang daloy ng transportasyon at mababawasan ang panganib ng pagbaha sa Brgy. Jamorawon, na magdadala ng mas maayos na pamumuhay sa mga residente ng lugar. | ulat ni Gary Carl Carillo | RP Albay