Hiniling ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa mga 4Ps beneficiary na gamitin ang mga benepisyo ng digital financial system sa bansa sa pamamagitan ng kanilang mga bagong smart phone.
May 50 4Ps beneficiaries ang pinagkalooban ng mga bagong telepono kaninang umaga sa Malabon City at Navotas City.
Donasyon ito mula sa Globe Telecom at G-Xchange, Inc. (GXI), ang operator ng GCash.
Paliwanag ng kalihim, sa pamamagitan ng mga mobile phone, mas mabilis, ligtas, at episyenteng matatanggap ng 4Ps members ang kanilang cash grants.
Makakatulong din ito sa kanilang mga transaksyong pinansyal, gaya ng paggamit ng digital banking at iba pang serbisyong maaaring makatulong sa kanilang kabuhayan.
May 32,684 na benepisyaryo lamang ng programa sa buong bansa ang makakatanggap ng mga mobile phone.
Sila ang mga 4Ps grantees na nasa Level 1 o Survival Level of well-being at nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA). | ulat ni Rey Ferrer