Nakatakda nang ipatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mas mahigpit na guidelines ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, sa nirebisang guidelines, makatitiyak na hindi na magagamit sa anumang layuning pampolitika ang programa lalo na sa panahon ng kampanya.
Kasama sa bagong probisyon ng AKAP ang regular na pagpapaskil ng pangalan ng mga indibidwal sa bawat probinsya na tatanggap ng financial assistance.
Naidagdag din ang pagbabawal sa pag-display ng mga campaign posters o banners ng politiko at presensya ng mga ito sa aktwal na payout.
Ayon pa sa tagapagsalita ng DSWD, kabilang din sa mga binagong alituntunin ang masusing proseso ng pagsusuri at beripikasyon para sa mga posibleng benepisyaryo ng AKAP.
Naisumite na ng DSWD ang revised guidelines sa Commission on Elections (COMELEC) noong March 4. | ulat ni Merry Ann Bastasa