Tuloy pa rin ang paghahatid ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Kanlaon sa Negros Islands.
Hanggang kahapon, umabot na sa 97,685 kahon ng family food packs ang naipamahagi ng ahensya bilang augmentation support sa mga lokal na pamahalaan.
Sa ulat ng DSWD-DROMIC, wala pa ring pinapayagan sa mga residenteng inilikas na makabalik sa kanilang mga bahay.
Nanatili pa rin sa 14 na evacuation centers ang mga apektadong pamilya, habang ang iba ay pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kaanak at kaibigan.
Batay sa datos, 7,900 pamilya o 24,891 indibidwal mula sa 22 barangay sa tatlong lungsod at apat na munisipalidad ang naapektuhan ng pag-aalburuto ng bulkan hanggang ngayon.
Tiniyak din ng DSWD na may mahigit P161.5 milyong available relief resources pa itong nakalaan para sa pangangailangan ng mga evacuee. | ulat ni Rey Ferrer