Pinaalalahanan ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga aplikante na maagang iproseso online ang travel clearance ng mga batang bumibyahe abroad partikular ang mga hindi kasama ang magulang o guardian.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Ada Colico, kahit na online na ang proseso sa ilalim ng Minors Travelling Abroad Online Integrated DSWD Permit System, kailangan pa ring isumite ang aplikasyon ng maaga para iwas aberya.
Nagpaalala rin ito sa mga aplikante na tiyaking tama ang mga impormasyon at kumpleto ang mga dokumento.

Sa ngayon, basta kumpleto aniya ang isinumiteng requirements kaya nang mailabas ng DSWD ang travel clearance sa loob lang ng tatlong araw.
Nitong March 13, 2025 naman, nakatanggap na ang DSWD ng 1,773 applications para sa permit o katumbas ng 127 kada araw.
Aabot na rin sa 750 ang naisyung travel permit online ng DSWD.
Maaaring iproseso ang MTA sa official website na mta.dswd.gov.ph at ang bayad sa travel certificate ay nagkakahalaga lang ng P800 habang P300 naman sa exemption. | ulat ni Merry Ann Bastasa