Hindi nababahala ang Malacañang sa kumpiyansa ng mga dayuhang mamuhunan sa Pilipinas sa gitna ng ingay sa pulitika sa kasalukuyan, dahil sa pagkakaaresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Communications Usec. Claire Castro na kung tutuusin, mas gusto pa ng mga foreign investor ang isang bansa na sumusunod sa batas.
“Hindi po naaalarma ang administrasyon patungkol po sa investors, dahil ang mga foreign investors po mas gusto po nila na ang bansa at ang mga lider ay sumusunod sa batas.” — Usec. Castro.
Mas nais aniyang mamuhunan ng mga ito sa mga bansa na hindi nagkakanlong ng mga tao na pinaghihinalaang sangkot sa krimen, lalo na ang crimes against humanity, partikular ang kasong pagpatay.
“Hindi po nagkakanlong ng mga tao na involved po lalung-lalo na sa crime against humanity, specifically murder, hindi po inaayunan talaga iyan ng mga foreign investors na magkanlong ka ng mga taong involved sa mga krimen.” — Usec. Castro.
Sa kabila ng ingay sa pulitika sa bansa, mas nakatuon aniya ang atensyon ng gobyerno sa pagpapatupad ng mga programang mag-aangat sa buhay ng mga Pilipino.
Ngayong buwan, nasa 70 job fair ang isasagawa ng DOLE sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Habang nasa 10 sa Metro Manila sa mga susunod na araw.
“Makikita po natin na hindi po tumitigil ang administrasyon para tugunan ang mga programa para po sa kabutihan ng taumbayan. Sinisikap ng gobyerno na makapagbigay ng mas maraming trabaho para matulungan maiangat ang kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino. Ang schedule ng job fairs ay makikita po sa website at social media accounts ng DOLE.” — Usec. Castro. | ulat ni Racquel Bayan