Pinabulaanan ng Embahada ng Pilipinas sa Thailand ang kumakalat na fake news na may sampung Pilipino umanong nasawi sa naganap na lindol sa lugar.
Sa inilabas na advisory ng Embahada, binigyang-diin nitong walang natatanggap na ulat ng anumang Pilipinong nasaktan o nasawi sa naturang sakuna. Patuloy nilang mino-monitor ang sitwasyon upang agad matulungan ang mga kababayan kung kinakailangan.
Nanawagan din ang Embahada sa mga Pilipino sa Thailand na manatiling mapagmatyag, kumuha lamang ng impormasyon mula sa mga lehitimong source, at huwag magpakalat ng pekeng balita.
Dahil na rin sa epekto ng malakas na lindol, idineklara ang Bangkok bilang isang emergency zone upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at dayuhang naninirahan sa lungsod. | ulat ni EJ Lazaro