Kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas sa The Hague na may isang opisyal ng International Criminal Court (ICC) nitong Huwebes, March 13, ang tumawag sa kanilang tanggapan upang ipaalam na hiniling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pakikipag-usap sa isang opisyal ng Konsulado.
Sa naturang tawag, kinumpirma ni Duterte na siya ay sumailalim sa medical check-up at nakatanggap ng pangangalagang medikal. Aniya, maayos naman ang kanyang kalagayan.
Humiling din siya ng pagbisita mula sa mga opisyal ng Konsulado, gayundin ng tulong para sa pag-aasikaso ng pagdalaw ng kanyang legal counsel at isang miyembro ng pamilya.
Agad namang inaksyunan ng Embahada ang mga kahilingang ito at nakipag-ugnayan sa ICC Registry upang maisagawa ang Consular visit sa lalong madaling panahon.
Matatandaang, sa pagdating ni Duterte sa Rotterdam-The Hague Airport noong Miyerkules, ibinigay sa kanya ng ICC ang mga pangalan at contact numbers ng mga opisyal ng Embahada para sa anumang kinakailangang tulong.
Samantala, nakipag-usap rin si Duterte kay dating Executive Secretary Salvador Medialdea, na isa sa kanyang legal counsels, nitong March 13. | ulat ni Lorenz Tanjoco