Malaking interes ang ipinakita ng mga kumpanyang Dutch sa mga proyektong pang-imprastraktura ng Pilipinas sa isang business roundtable na ginanap sa Embahada ng Pilipinas sa The Netherlands.
Binigyang-diin ni Philippine Ambassador Eduardo Malaya ang matibay na ugnayan ng Pilipinas at The Netherlands, lalo na sa larangan ng imprastraktura, water management, at sustainable development.
Ipinresenta naman ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Senior Undersecretary Emil Sadain ang flagship projects ng administrasyon sa ilalim ng “Build Better More” Program.

Kabilang dito ang road networks, transport systems, at flood control projects gaya ng dredging sa Pampanga at flood risk management sa Cagayan de Oro.
Sa kasalukuyan, ang The Netherlands ang pangalawang pinakamalaking investor sa Pilipinas, na may kabuuang USD$6.29 billion na investments noong 2023.
Mahigit 130 Dutch companies ang aktibo sa bansa, kabilang ang ING Bank, Alaska Milk, Heineken, at Royal Philips. | ulat ni Lorenz Tanjoco