Isang banta sa “freedom of speech” ang paglaganap ng fake news.
Ito ang tinuran ni La Union Representative Leader Paolo Ortega kasabay ng paggiit sa kahalagahan ng isinasagawang pagdinig ng Tri-Committee sa Kamara.
Aniya hindi layunin ng imbestigasyon ng komite na kitilin ang kalayaan sa pagpapahayag bagkus ay para pa nga mapreserba ito.
“Kaya nga po nandyan ang House of Representatives, ang TriCom hearing na iyan ay para ma-preserve nga po ang freedom of speech. Yang malayang pamamahayag ika nga. At dito natin makikita kung paano rin nila sinisira yang freedom of speech natin. Lalabas lahat ito during the hearings at makakagawa po tayo ng nararapat po na polisiya para malabanan yung ganitong tipo ng, sabi nga, fake news, malinformation para po mapanatili natin yung freedom na yan,” sabi ni Ortega.
Inihalimbawa ng mambabatas ang mga kumakalat na video at litrato umano ng mga kilos-protesta sa iba’t ibang panig ng bansa matapos arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinalalabas ng fake news na mayroong namumuong pag-aaklas o civil unrest sa bansa. Ngunit ang mga video at litrato na ito ay kuha naman sa ibang mga political rally at ang iba ay mga concert o piyesta.
Sinabi naman ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, wala naman sanang masama kung maghahayag ng opinyon ang mga vloggers sa social media. Kahit sa mga pahayagan naman ay mga opinyon ang ilang manunulat.
Ngunit ang nakakasama ay hinahaluan ng social media personalities ng hindi beripikadong references ang kanilang mga opinyon.
“There’s a thin line between vloggers sa ngayon… They tend to act as if they are there to provide information when in fact if you look at it, it’s more of their own opinion backed up by unverified references. So, I think yun ang sinasabi ni Congressman Paolo. We have to delineate which one is opinion and which one is really the facts,” ani Adiong.
Ngayong araw ay isasagawa ang ikatlong pagdinig ng TriComm kung saan inaasahang dadalo rin sina Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz at PCO Undersecretary Claire Castro. | ulat ni Kathleen Jean Forbes