Hinimok ni Finance Secretary Ralph Recto ang Insurance Commission (IC) na lampasan ang kanilang regulatory role bilang tagapangasiwa, at magtakda ng mataas na misyon para sa pangarap ng bawat Pilipino.
Ito ay sa pamamagitan ng pagtatakda ng mas mataas na pamantayan, pagsusulong ng kapangyarihang pinansyal para sa lahat, at pagtiyak na ang bawat polisiya at regulasyon ay tunay na tumutugon sa nagbabagong pangangailangan ng mamamayang Pilipino.
Ito ang mensahe ni Recto sa ika-76 anibersaryo ng IC, na siyang binasa ni Undersecretary Maria Luwalhati Dorotan Tiuseco.
Ang IC ay isang ahensya sa ilalim ng Department of Finance na nangangasiwa sa industriya ng insurance, pre-need, at health maintenance organization (HMO) alinsunod sa Insurance Code.
Pinuri rin ni Secretary Recto ang IC sa pagpapatatag ng industriya ng insurance sa bansa na ngayon ay mas matibay, matatag, at maaasahan sa pagbibigay ng seguridad para sa mga Pilipino.
Noong 2024, lumago ng 6.4% ang pinagsamang asset ng industriya na umabot sa P2.5 trilyon.
Tumaas ng 12.8% ang koleksyon ng premium sa P440.4 bilyon, habang ang netong kita ay lumobo ng 16% sa P56.3 bilyon.
Umakyat din ng 19% ang kabuuang bayad sa mga benepisyo sa P160.3 bilyon.
Dahil dito, tumaas ang insurance density ng 12.6% sa P3,892.8—ang halagang ginagastos ng bawat Pilipino sa insurance.
Ayon kay Secretary Recto, patunay ito na dumarami na ang mga Pilipinong gumagawa ng matalinong desisyon na mag-invest para sa kanilang seguridad habang patuloy na lumalago ang ekonomiya at tumataas ang kita at oportunidad sa trabaho. | ulat ni Melany Valdoz Reyes