Nanatiling matatag at matibay ang financial system ng bansa sa kabila ng mga pandaigdigang hamon dulot ng tensyong geopolitical at pagbabago sa mga patakaran, ito ay ayon sa Financial Stability Coordination Council (FSCC).
Ang FSCC ay isang inter-agency council na binubuo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Finance (DOF), Insurance Commission (IC), Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC), at Securities and Exchange Commission (SEC).
Sa inilabas nitong 2024 Financial Stability Report (FSR) binanggit ng FSCC na ilan sa mga salik na nagpatibay sa sistemang pinansyal ng bansa ay ang bumababang antas ng inflation, matatag na paglago ng ekonomiya, at sapat na international reserves.
Ayon sa ulat, may mataas na capital at sapat na liquidity funds ang mga bangko, kaya’t may kakayahan itong saluhin ang posibleng pagkalugi at suportahan ang aktibidad ng ekonomiya.
Wala ring nakikitang malaking pagbabago sa presyo ng mga ari-arian sa merkado, habang patuloy ang malakas na partisipasyon ng mga lokal na mamumuhunan.
Gayunpaman, binigyang-diin ng FSCC na bagama’t matatag ang sistemang pinansyal, may mga panganib na dapat bantayang mabuti.
Kabilang dito ang lumalalang tensyon sa pagitan ng mga bansa, mga pagbabagong pinansyal sa malalaking ekonomiya, at ang pagbabago ng US trade policy. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes