Nananatili pa rin ang posisyon ni Senate President Chiz Escudero na hindi dapat ipatupad ang PUV (Public Utility Vehicle) Modernization Program hangga’t hindi pa ito napeperpekto.
Ang pahayag na ito ng Senate leader ay sa gitna ng isinasagawang transport strike ng grupong Manibela bilang protesta sa programa.
Giit ni Escudero, dapat munang isaayos ng gobyerno ang sistema kaugnay ng financing ng programa.
Ayon sa senador, hindi pa dapat imandato sa lahat ang mga modernized jeep dahil hindi pa ito kakayanin ng mga tsuper, operator, at maging ng mga mananakay.
Idinagdag rin ni Escudero na bagama’t pinaglalaanan ng pamahalaan ng pondo ang naturang programa taun-taon, malayo pa ang nailalaang pondo sa tunay na halagang kailangan para matustusan ang subsidiya ng mga kasalukuyang namamasadang jeep.
Ipinunto ng Senate leader na hindi sapat ang subsidiya na ₱200,000–₱400,000 kung nasa tatlong milyong piso ang halaga ng isang modernized jeep.
Hindi pa rin aniya tapos o aprubado ng LTFRB ang mga transport routes, kaya paanong mako-compute ang dapat na halaga ng pamasaheng sisingilin ng mga tsuper? | ulat ni Nimfa Asuncion