Pasok na sa world record ang Malabon City matapos matagumpay na masungkit ang Guinness World Record na “Longest Line of Bowls of Noodles” tampok ang Pansit Malabon.



Idineklara ito ng official adjudicator ng Guiness na si Sonia Ushirogochi.
Umabot sa 6,549 mangkok ng pancit ang inilatag ng 12 panciteria na culinary partner ng Malabon para masungkit ang record mula sa Jinshi Beef and Rice Noodles Association ng China na halos 4,000 mangkok.
Naging mabusisi ang paglalatag ng pancit na isinagawa sa Malabon Sports Complex mula 10:00 AM hanggang pasado 5:00 PM o katumbas ng 7 oras.
May mga independent at third-party witnesses na nakatalaga para magmasid at magpatunay sa opisyal na pagtatangka.
Ipinagmalaki naman ni Mayor Jeannie Sandoval ang tagumpay na ito na nagpamalas sa Kultura at Kasaysayan ng Malabon.
Nagpasalamat din ito sa pagbabayanihan ng lahat ng nakiisang panciteria at kanilang mga cook at staff.
Matapos din ang official attempt ay ipinamahagi ang pancit sa publiko. | ulat ni Merry Ann Bastasa