Sinabi ni Senadora Risa Hontiveros na magandang balita para sa mga konsumer ang pinag-utos ng Energy Regulatory Commission na 19.9 billion pesos na refund mula sa Manila Electric Company (Meralco).
Base sa kautusang ibinaba ng ERC, dapat ibalik ng Meralco ang 19.9 billion pesos sa mga konsumer nito sa loob ng tatlong taon.
Sakop nito ang sobrang siningil ng kumpanya mula July 2022 hangang December 2024.
Ayon kay Hontiveros, ang utos na refund ng ERC ay simula pa lang ng mahabang proseso ng pagbabalik ng sobrang siningil ng kumpanya sa taumbayan.
Pinunto ng senadora na ang nasa 20 billion pesos na pinarerefund ng ERC ay maliit na bahagi lang kumpara sa tinatayang nasa 100 billion pesos na dapat ibalik ng electric company sa mga consumer nito.
Aniya, mula taong 2011 hanggang 2022 ay umabot na sa 100 billion pesos ang dapat i-refund ng meralco.
Kaya naman dapat aniyang itama ang mismong sistema para agarang maibalik sa taumbayan ang sobrang binayad sa Meralco at maiwasan na ang sobrang paniningil ng mga electric company.