Umabot sa higit sa 4,000 indibidwal ang natulungan ng National Housing Authority (NHA) sa ikinasa nitong dalawang People’s Caravan sa Sunshine Ville 1, Brgy. Cabuco, Trece Martires, Cavite at Navotaas Homes, Navotas City.
Ang caravan ay inisyatiba ni NHA General Manager Joeben A. Tai, na layong dalhin ang iba’t ibang programa at serbisyo ng gobyerno at ilapit ito sa mga benepisyaryo at kanilang pamilya sa mga karatig na komunidad.
Pinangunahan ni NHA Assistant General Manager Alvin S. Feliciano ang isinagawang caravan, kung saan 22 ahensya ng gobyerno ang nakiisa at nagbigay ng serbisyo sa mga dumalo.

Kabilang dito ang job fair na inorganisa ng Public Employment Service Office (PESO)-Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) naman ay nagsagawa ng orientation/seminar tungkol sa mga programa at serbisyo para sa mga OFW, financial awareness, at pagsasanay sa maliitang negosyo.

Nagbenta rin ng murang farm-to-market na produkto at bigas sa pamamagitan ng KADIWA on Wheels ng Department of Agriculture (DA), habang nagbigay naman ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng libreng onsite internet at Wi-Fi pati na rin ng orientation tungkol sa eGov Super App.
Samantala, nagbigay ng libreng legal consultation at notarial services ang Public Attorney’s Office (PAO). | ulat ni Merry Ann Bastasa