Inanunsyo ng Commission on Elections na natapos nang imprentahin ng National Printing Office ang higit 68-M Voter’s Information Sheets.
Ang VIS ay apat na pahinang gabay para sa bawat botante kung saan nakasaad ang mga mahahalagang impormasyon na kailangan nilang malaman para sa 2025 Midterm Elections.
Naka-personalize ang bawat VIS kung saan nakalagay ang pangalan ng botante, address, presinto kung saan ito boboto, listahan ng national at local candidates at iba pang impormasyon na maaaring makatulong sa kanya sa araw ng halalan.
Pwede rin itong dalhin at gawing kodigo sa May 12 elections.
Ayon kay Comelec Chair George Erwin Garcia, matapos maimprenta at sumasailalim sa verification, ay sisimulan na ring ipamahagi sa abril ang voter’s information sheets.
Kaugnay nito, ipinaalala ni Chair Garcia na tanging mga tauhan lang ng Comelec ang maaaring mamahagi ng VIS sa bawat botante at hindi maaaring makialam dito ang LGUs o mga brgy. | ulat ni Merry Ann Bastasa