Panahon nang tugunan ng Department of Transportation (DOTr) ang hinaing ng lahat ng mga stakeholders kaugnay ng PUV Modernization Program.
Ito ang pahayag ni Senadora Grace Poe sa gitna ng isinasagawang transport strike ng grupong Manibela bilang protesta sa naturang programa.
Ayon kay Poe, maraming isyu pa sa programa ang hindi pa rin natutugunan, gaya ng kawalan ng komprehensibong ruta, mataas na presyo ng mga bagong unit, disenyo ng mga bagong jeep, at kakulangan ng sapat na subsidiya para sa mga tsuper.
Dagdag pa niya, mababa rin ang paggamit ng pondo sa kabila ng inilaang badyet ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Poe na ang tunay na modernisasyon ay hindi makakamit sa pamamagitan ng minadaling pagpapatupad ng programa.
Kailangan aniya ng maingat na pagpaplano, inklusibong konsultasyon, at matibay na commitment upang matiyak na walang tsuper o commuter ang mapag-iiwanan.
Tiwala naman si Poe na kaya ni bagong Transportation Secretary Vince Dizon na matugunan ang mga isyu sa PUV Modernization Program. | ulat ni Nimfa Asuncion