Maagang nagtipon ang higit 1,000 miyembro ng mga Muslim communities sa lalawigan ng Bohol upang gunitain ang Eid al-Fitr o ang pagtatapos ng Ramadan kung saan isang buong buwan silang nag-ayuno at bihilya.
Taon-taon ay pinapagamit ng lokal na pamahalaan ang Carlos P. Garcia Sports Complex na nasa Tagbilaran City upang isagawa ang kanilang malaking pagtitipon kung saan sa track oval naglalatag ng sajada o prayer mat at nagdadasal kasama ang kanilang prayer leader.
Upang masigurong maayos,ligtas,at payapa ang pagdadasal ng mga Bol-anong Muslim, nakaantabay ang kapolisan mula sa Tagbilaran City Police Office at Bohol Police Provincial Office.
Nasa vicinity din ang emergency responders upang tugonan ang kanilang medical na emerhensiya.
May mga tents din mula sa kapitolyo upang masilungan ng mga nagsasamba.
Nagmula pa sa iba’t-ibang bahagi ng Bohol ang mga nagsamba sa CPG Sports Complex na maagang dumating sa Tagbilaran City para sa kanilang taonang pagtitipon.
Ang Eid al-Fitr ang isa sa pinakamalaking okasyon ng mga Muslim sa buong mundo kung saan hinihimok silang magdasal,tumulong,at magpakita ng mga mabubuting gawa. | ulat ni Jessa Agua-Ylanan, RP1 Cebu