Kinondena ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman Jude Acidre ng Tingog Party-list ang hirit ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na asylum sa the Netherlands na isa umanong pagtatangka na matakasan ang kanyang pananagutan kaugnay ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at mga krimen na nakapaloob dito gaya ng human trafficking.
“Roque’s asylum bid is nothing more than a cowardly maneuver to escape the consequences of his actions,” ani Acidre.
Ginawa ni Roque ang hakbang limang buwan matapos siyang ireklamo ng human trafficking, kasama ang dalawa pang iba, sa Department of Justice (DOJ). Ayon sa reklamo, ginamit umano ni Roque ang kanyang posisyon at impluwensya upang protektahan at bigyang-daan ang mga sindikatong kriminal na nagpapatakbo ng offshore gambling hubs na sangkot sa mga krimen gaya ng human trafficking, cyber fraud, at money laundering.
Binigyang-diin ni Acidre na lalo lamang lumalakas ang hinala sa mas malalim na pagkakasangkot ni Roque sa mga iligal na operasyong ito dahil sa kanyang biglaang aplikasyon para sa asylum.
Ang Quad Committee, na binubuo ng House Committees on Dangerous Drugs, Public Order, Public Accounts, at Human Rights, ay nagsasagawa ng malawakang imbestigasyon sa laganap na kriminalidad na konektado sa mga POGO.
Nabunyag sa mga pagdinig ng mga mambabatas kung paano naging pugad ng organisadong krimen ang offshore gambling hubs, kabilang ang human trafficking, sapilitang paggawa, prostitusyon, cyber scams, at maging mga sindikatong may kinalaman sa droga.
Si Roque, na naiuugnay sa mga kaduda-dudang transaksyon sa ilang POGO operators, ay ipinag-utos na ipiit ng Kamara matapos siyang paulit-ulit na tumangging makipagtulungan at sumagot sa mahahalagang tanong ukol sa kanyang umano’y koneksyon sa mga iligal na aktibidad.
Hinikayat ni Acidre ang mga ahensya ng pagpapatupad ng batas na makipag-ugnayan sa mga internasyonal na awtoridad upang mapigilan si Roque sa paggamit ng asylum bilang panangga laban sa prosekusyon. | ulat ni Melany Valdoz Reyes