Pinag-iingat ni House Deputy Majority Leader Janette Garin ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, partikular si dating Executive Secretary Salvador Medialdea sa pagbibigay ng pahayag kaugnay sa kasalukuyang kalagayan ng dating presidente sa The Hague.
Kasunod ito ng pahayag ni Medialdea na hindi makita ang dating chief executive matapos i-turn over sa International Criminal Court at hindi rin nabibigyan ng sapat na atensyong medikal.
Sabi ni Garin, maaaring naguguluhan lamang ang dating opisyal at hindi makapag-isip nang maayos, ngunit huwag naman aniya sana ito para udyukan ang taumbayan na magalit sa administrasyon.
Paalala pa niya nakabantay ngayon ang buong mundo sa Pilipinas dahil sa nangyari.
Pagbabahagi pa ng lady solon, minsan na niyang nakatrabaho ang Dutch government partikular sa Parliamentary Network on the World Bank at very considerate aniya sila sa mga hiling ng nasasakdal lalo na pagdating sa kalusugan.
Ang mas mainam aniya na gawin ngayon ay ipagdasal na lang ang dating pangulo. | ulat ni Kathleen Forbes