Hinimok ni House Minority Leader Marcelino Libanan si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ilapit na sa mga otoridad ang kaniyang natanggap na death threats.
Ayon kasi sa alkalde mula nang isiwalat niya na tumatanggap ang mga miyembro ng Kamara ng milyong halaga ng social amelioration funds sa kanilang pagdalo sa mga out-of-town engagement ni Speaker Martin Romualdez ay nakatanggap na siya ng mga pagbabanta.
Ani Libanan maaari ito i-report ni Magalong sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para matunton ang salarin.
Madali na lang aniya ito ngayon lalo at nakarehistro na ang mga SIM card.
“Lalo na katulad sa kanya na dating [pulis], alam niya madaling matunton kung sinoman kung sinong nagte-text dahil ‘yung ating procedure ngayon lahat ng ating numbers sa telepono ay registered na ‘yung ating mga pangalan kaya pwedeng matunton ‘yan kung sino ang taong yan,” ani Libanan.
Paalala naman ng kongresista na hindi talaga maiiwasan na mayroon magbanta sa buhay ng mga katulad nilang public servant.
“Alam niyo po pag government official ka kasama na po yan. Hindi po ordinaryong maging public servant,” wika pa ni Libanan.
Una nang pinabulaanan ni Libanan at ng iba pang mambabatas na may natatanggap silang pondo para sa mga programang AKAP, AICS, at TUPAD.
Ani Libanan, tanging national agencies lang ang may hawak sa pondo at maaaring mapatupad sa naturang mga programa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes