Nagtungo ngayong araw sa Senado si House Secretary General Reginald Velasco upang tingnan at inspeksyunin ang magiging kwarto at set-up para sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte
Sinamahan siya ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. at iba pang opisyal ng Kamara sa pag-iinspeksyon ng magiging set-up ng session hall ng Senado para sa naturang paglilitis.
Nakapuwesto na ang mga upuan para sa 24 senator-judges, ang defense at prosecution panel, pati na rin ang witness stand.
Tiningnan rin nina Velasco ang Sen. Arturo Tolentino Room sa Senado, kung saan mananatili ang prosecution panel.
Ayon kay Velasco, ngayong araw rin nila tatalakayin ni Bantug ang mga detalye ng mga pasilidad na iaalok sa prosecution team ng Kamara at kung ano pang posibleng idagdag.
Dalawang kwarto ang inisyal na hihilingin ng prosecution team para sa 11 House prosecutors at kanilang secretariat support group. Magkakaroon din aniya ang Kamara ng backroom operations office.
Samantala, sinabi ni Bantug na may natukoy na ring kwarto para sa defense team ni VP Sara, ngunit hindi pa niya ito ibinabahagi dahil hindi pa nakakausap ang kampo ng Bise Presidente. | ulat ni Nimfa Asuncion