Ipinagdiwang ng Employees’ Compensation Commission o ECC ang kanilang ika-50 anibersaryo, bitbit ang pangakong ipagpatuloy ang serbisyo para sa mga manggagawang may kapansanan dulot ng trabaho!
Sa temang “Limampung Taong Sulong sa Pagtulong”, pinangunahan ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma ang selebrasyon noong Marso 19 sa Maynila. Binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng ECC sa pagbibigay ng benepisyo sa mga manggagawa na nagkasakit, nasugatan, o namatay dahil sa kanilang trabaho.
Tampok sa pagdiriwang ang pagkilala sa mga Persons with Work-Related Disabilities o PWRDs na matagumpay na nakaahon sa tulong ng ECC, tulad ni Bryan Jio Cruz, isang dating seafarer na nakatanggap ng rehabilitasyon at negosyong pangkabuhayan.
Kinilala rin ang mga dating opisyal ng ECC at mga employer na sumusuporta sa programa ng Komisyon.
Ayon kay ECC Executive Director Kaima Via Velasquez, patuloy na magsisikap ang ECC upang mapabuti ang serbisyo para sa mga manggagawang Pilipino sa susunod pang mga dekada. | ulat ni Lorenz Tanjoco