Mariing kinondena ng ilang mga mambabatas ang mga kumakalat na quote card na naglalaman umano ng kanilang mga pahayag na may kaugnayan sa pagkakaaresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Una rito si Marikina Rep. Stella Quimbo. Giit niya walang katotohanan ang pekeng quote card kung saan sinabi umano niya na bantayan at ipasara ang mga lokal ng isang religious group sa lungsod ng Marikina.
Kasabay nito humingi rin siya ng dispensa sa naturang religious group na sila ay nadamay sa pagpapakalat ng fake news.
“Mga Marikenyo, pagtulungan po natin labanan ang fake new. Wala pong katotohanan ang mga pekeng quote card na ito. Nakikiusap po tayo sa mga kalaban sa pulitika na tigilan na nila ito. Humihingi rin po ako ng dispensa sa buong Iglesia ni Cristo na pati po kayo ay nadadamay sa hindi magandang gawain ng aming mga kalaban dito sa Marikina,” sabi ni Quimbo.
Hinimok naman ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang publiko na sundan lamang ang kaniyang official social media page matapos kumalat din ang hiwalay na social media quote card.
“It has come to our attention that a social media quote is being falsely attributed to my person.I did not make such statement and its spread is maliciously being propagated by political opponents,” diin ni Pimentel.
Paalala rin ng isa pang kinatawan mula Surigao na si Rep. Romeo Momo na beripikahin muna ang mga nababasa online bago i-share kasabay ng mariing pagkondena sa paglaganap ng misinformation.
“We vehemently denounce and condemn this malicious misinformation. Let’s strongly denounce and condemn the spread of fake news. Always verify before you share!” paalala ni Momo.
Ganito rin ang payo ni Cagayan de Oro Rep. Lordan Suan.
Alamin aniya kung sino ang nagsulat at saan galing ang pahayag o balita; ikumpara ito sa mga pinagkakatiwalaang news outlets at ‘wag basta mag-share ng mga clickbait at mapanlinlang na headlines.
“Daghan kaayo ron nagkalat nga bakak nga balita sa social media. Ayaw dayon tu-o ug i-share ang bisan unsang balita nga wala nimo ma-verify. Magpakabana ta ug mangita og tinuod nga impormasyon. Ang kamatuoran dili angay ilisan og bakak!” (Maraming fake news sa social media. Huwag agad maniwala at magbahagi ng anumang balita na hindi mo pa nabe-verify. Mag-ingat tayo at maghanap ng totoong impormasyon. Ang katotohanan ay hindi dapat palitan ng kasinungalingan!), sabi ni Suan.
Tahasan namang tinawag na cybercrime ni Negros Oriental Jocelyn Limkaichong ang fake news at pekeng pahayag umano niya.
Aniya, hindi na maaari palampasin ang ganitong mga aksyon.
“Dugay na kaming nagpakita og kaayo ug pagsabot, apan aduna usab kami’y limitasyon. Dili na namo tugotan ang inyong mga pagpangdaot. (Matagal na tayong nagpakita ng kabaitan at pag-unawa, ngunit mayroon din tayong mga limitasyon. Hindi na namin kukunsintihin ang mga pang-aabuso mo.)…We should not tolerate this kind of behavior. This is cybercrime,” giit ni Limkaichong. | ulat ni Kathleen Forbes