Inaasahan ni Sen. Grace Poe ang mas pinaigting at patas na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng kung sino ang nasa likod at nagpopondo sa pagpapakalat ng fake news sa social media.
Giit ni Poe, hindi isang uri ng censorship ang imbestigasyon ng NBI kundi isang hakbang para maprotektahan ang publiko.
Paalala ng senadora sa mga awtoridad, dapat tiyaking ang gagawin nilang aksyon ay alinsunod sa batas, due process at pagrespeto sa karapatan ng lahat.
Aniya, matagal nang dapat na ipinapatupad ang buong pwersa ng Anti Cybercrime Law.
Ipinunto pa ni Poe na bagamat isa sa mga pangunahing karapatan ang karapatang magpahayag ay hindi naman ito ganap at maaaring limitahan para maprotektahan ang public order, morality, national security at karapatan ng iba.
Hindi aniya pinoprotektahan ng batas ang kasinungalingan.
Tinukoy pa ni Poe ang isang desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing hindi dapat labagin ng karapatang magpahayag ng isang indibidwal ang ating demokrasya at ang awtoridad ng mga institusyon sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion