Suportado ni Senador Sherwin Gatchalian ang desisyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang mga vlogger na nagpapakalat ng fake news.
Ayon kay Gatchalian, kailangan nang aksyunan ng gobyerno ang paglaganap ng fake news lalo na ngayong nakadepende na ang mga tao sa social media para sa pagkuha ng impormasyon.
Binigyang-diin ng senador na ang pagpapakalat ng fake news ay isang seryosong banta sa tiwala ng publiko, at hindi dapat mag atubili ang NBI na kasuhan ang mga indibidwal na nagdudulot ng misinformation.
Aniya, hindi dapat hayaang basta naghahasik ng kasinungalingan at pagmamanipula ang ilang mga indibidwal lalo na kung ito ay nakakaapekto sa pagkakabuklod-buklod at pag-unlad ng bansa.
Iginiit ni Gatchalian, na hindi dapat hinahayaan lang ang mga peke at malisyosong impormasyon dahil papahinain lang nito ang tiwala ng publiko sa democratic process, at magdudulot ng pagkakawatak-watak. | ulat ni Nimfa Asuncion