Iginiit ni House Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan na itinuturing na urgent o kagyat ang lahat ng impeachment trials sa bansa.
Ayon kay Libanan, miyembro ng House Prosecution panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, may mahahalagang dahilan kung bakit dapat agad na isinasagawa ang mga paglilitis laban sa mga opisyal na maaaring maalis sa puwesto.
Ito ay upang maiwasan ang karagdagang pinsala, mapanatili ang rule of law, pagpapanatili ng tiwala ng mamamayan at pagpapanatili ng integridad ng institusyon.
Ayon sa House Minority Leader, may pangangailangang din na hadlangan ang posibleng panghihimasok sa proseso gaya ng o ng obstruction—maaaring sa pamamagitan ng pananakot sa mga saksi, manipulasyon ng sistema, o iba pang paraan upang makaiwas sa pananagutan.
Panghuli, binigyang-halaga rin ni Libanan ang pagtatakda ng halimbawa upang maiwasan ang pag-abuso ng kapangyarihan ng mga matataas na opisyal.
Ginawa ni Libanan ang pahayag kasunod ng paninindigan ni Speaker Martin Romualdez, na handa na ang House prosecution panel para sa paglilitis ng impeachment laban sa pangalawang pangulo.
Umaasa ang mambabatas, na isasagawa ng Senado ang kanilang tungkulin alinsunod sa Konstitusyon, di-kinakailangang pagkaantala at may ganap na paggalang sa batas. | ulat ni Melany Valdoz Reyes