Naaresto na ng mga awtoridad ang isa sa mga itinuturong kasabwat sa pagpatay sa negosyanteng si Dominic Sytin noong 2018 matapos ang anim na taong pagtatago.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson at PRO 3 Regional Director PBGen. Jean Fajardo, nadakip si Ryan Rementilla, alyas Oliver Fuentes, sa Buhanginan Hills, Pala-o, Iligan City noong March 22 bandang 10:30 ng gabi.
Matapos ang kanyang pagkakaaresto, agad siyang inilipat sa Camp Olivas, San Fernando, Pampanga, kung saan haharap siya sa arraignment at pre-trial para sa mga kasong murder at frustrated murder.
Naaresto na noong 2019 ang mismong bumaril kay Sytin at kasalukuyang nakakulong sa New Bilibid Prison. Ayon kay Fajardo, mas malapit nang maresolba ang kaso matapos mahuli si Rementilla.
Matatandaang si Sytin na CEO ng United Auctioneers Inc. (UAI), ay binaril at napatay noong November 28, 2018, sa harap ng isang hotel sa Subic kung saan nasugatan din ang kanyang bodyguard. | ulat ni Diane Lear