“We join the Filipino people in acknowledging this significant development as a step toward justice”
Ikinatuwa ng grupo ng mga Protestant at Non-Catholic Churches ang pagdakip kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, dahil isa umano itong hakbang tungo sa pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng extra judicial killings (EJK) sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng National Council of Churches in the Philippines (NCCP) na kasama sa panalangin nila ang pag-aresto kay Duterte, dahil may tsansa na umano na magkaroon ng hustisya ang mga namatay sa ilalim ng “drug war” ng nakaraang administrasyon.
Sinabi ng NCCP na, kahit sinubukang takasan ni Duterte ang pananagutan sa mga EJK sa bisa ng utos nito na umalis ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC), hindi pa rin ito sumapat dahil obligado pa rin na managot ang dating presidente sa mga taon na kabilang ang Pilipinas sa Rome Statue.
“It is our prayer as a Council that the developments that follow shall be guided by the principle of due process—a foundational principle of justice that thousands of poor Filipinos were deprived of during the violent and sham ‘drug war,’” saad ng NCCP.
“We hope this serves as an inspiration for all, and that truth and justice will prevail in the end, reinforcing the lesson that authoritarian regimes and their supporters shall not endure forever,” dagdag pa nito.
Nanawagan rin ang NCCP sa mga Pilipino na manatiling maging mapagmatyag at kumampi sa tamang panig ng kasaysayan habang gumugulong ang kaso ni Duterte sa ICC.
Ayon sa datos mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nasa 6,215 katao ang napatay sa mga anti-drug operation mula nung umupo si Duterte bilang presidente hanggang October 21, 2021. Subalit, ilang watchdogs at mga aktibong grupo ang nakapagtala na umabot umano ang mga EJK sa 27,000 hanggang 30,000, kung isasama ang mga pinatay ng mga vigilante.
Nahaharap si Duterte sa kasong krimen laban sa sangkatauhan, kung saan inaakusahan ang dating pangulo bilang responsable sa 43 na namatay —19 dito ay pinatay umano ng kanyang Davao Death Squad (DDS) noong alkalde pa lamang ito at 24 naman nung naging presidente na.
Nakatakda ang susunod na hearing ni Duterte sa Setyembre 23, 2025, kung saan kukumpirmahin na ang mga kaso na haharapin ni Duterte na maari niyang labanan.
Inaresto si Duterte noong March 11 paglapag nito sa Maynila mula sa isang campaign rally sa Hong Kong, sa bisa ng pagtutulungan ng International Criminal Police Organization (INTERPOL) at Philippine National Police. Inilipad din naman ang dating pangulo patungong The Hague, Netherlands nung kinagabihan.

