Naghain ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) ang isang ina ng menor-de-edad mula Bataan matapos na magamit ang kanilang pangalan sa isinampang reklamong rape laban sa isang Taiwanese businessman sa Olongapo City Prosecutor’s Office noong nakaraang buwan.
Batay sa liham na ipinadala kay Justice Secretary Boying Remulla at Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, sinabi ng ginang na hindi siya ang nakapirma sa umano’y sinumpaang reklamo ng anak laban sa negosyante na matagal nang locator sa SBMA.
Enero pa raw nang umalis sa kanilang bahay ang dalagita at nagulat na lamang sila nang malaman na may reklamo itong 3 counts ng rape, child abuse at corruption of minor sa Piskalya ng Olongapo.
Wala umano silang alam sa estado at kinaroroonan ng anak mula nang umalis ito sa kanilang tahanan.
Sinasabing nangyari ang insidente sa isang resthouse ng negosyante noong July 2022 at isinampa naman ang kaso nito lamang Pebrero ngayong taon.
Ayon kay Atty. Baltazar Beltran ng law office, nakakabahala ang pagtanggi ng Deputy Prosecutor ng Olongapo na makaharap ang sinasabing biktima at ang piskal na nagpasumpa dito.
Posible kasi aniyang gawa-gawa lamang ang reklamo at hindi rin totoo ang pagkakakilanlan ng mga nasa likod na para lamang makapangikil sa kanilang kliyente. | ulat ni DK Zarate