Kinalampag ni Senador Sherwin Gatchalian ang pamunuan ng NLEX na tapusin na sa lalong madaling panahon ang pagkukumpuni ng nasirang tulay sa isang bahagi ng expressway.
Sa isang pahayag, sinabi ng NLEX Corporation na posibleng abutin ng hanggang tatlong linggo ang pagsasaayos ng Marilao Interchange Bridge.
Giit ni Gatchalian, walang dahilan para abutin ng dalawa hanggang tatlong linggo ang pagsasaayos ng nasirang tulay.
Binigyang-diin ng senador na ngayong papalapit na ang Holy Week, mahalagang tiyaking maayos ang mga daan sa expressway.
Ito ay para matiyak na magiging maayos at walang aberya ang biyahe ng mga kababayan natin ngayong Semana Santa.
Tanong pa ni Gatchalian, bakit pa magbabayad ng mataas na toll kung matinding perwisyo sa trapiko ang kakaharapin ng mga motorista sa halip na ginhawa sa biyahe. | ulat ni Nimfa Asuncion