Pinasisiguro ng House leaders na handa ang Pilipinas sakaling tamaan din ng malakas na lindol, partikular ang “The Big One.”
Ito ay matapos tumama ang 7.7 magnitude na lindol sa Myanmar at Thailand na ikinasawi ng hindi bababa sa 1,000 katao at ikinasira ng maraming imprastraktura.
Si House Speaker Martin Romualdez hinikayat ang Kongreso na bumuo ng lehislasyon para mapalakas ang disaster resilience at preparedness ng bansa.
Nais naman ni House Committee on Metro Manila Development Chair Rolando Valeriano na magbigay ng ulat sa Kongreso at taumbayan ang mga kinauukulang ahensya kaugnay sa progreso at hamon pagdating sa kahandaan ng bansa sa The Big One.
Partikular na ikinababahala ng kinatawan ang posibleng tsunami na idulot ng lindol sa coastal areas sa palibot ng Manila Bay at ang soil liquefaction. | ulat ni Kathleen Jean Forbes