Sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na wala pang request mula sa Kamara na ipakansela ang passport ni Atty. Harry Roque.
Matatandaang may outstanding warrant of arrest ang Kamara kay Roque kaugnay ng pagdinig ng House QuadComm tungkol sa ilegal na operasyon at aktibidad ng mga POGO.
Sa panayam sa Senado, sinabi ni Velasco na walang hurisdiksyon ang Kamara pagdating sa consular matters.
Ayon sa House official, ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang dapat na kumilos dito.
Pero kailangan pa aniya itong dumaan sa proseso at kailangang magkaroon muna ng court order bago makansela ng DFA ang pasaporte ni Roque.
Kasalukuyang nasa Netherlands si Roque at nagbabalak na humiling ng political asylum doon.
Idinagdag rin ni Velasco na wala ring natatanggap ang Kamara na anumang request mula sa International Criminal Court (ICC) para humingi ng anumang dokumento o ebidensya na nakalap ng QuadComm tungkol sa diumano’y extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay House Sec. Gen., kung sakali mang may request na dumating, hindi magbibigay ang Kamara dahil una nang sinabi ni QuadComm Chairman Congressman Robert Ace Barbers na hindi na miyembro ang Pilipinas ng ICC. | ulat ni Nimfa Asuncion