Nagsampa na ng kasong Grave Misconduct at Conduct Unbecoming of a Police Officer ang National Police Commission (NAPOLCOM) sa pulis sa Quezon City na si Pat. Francis Steve Tallion Fontillas, na kilala rin sa kanyang account alias na “Fonts Stv Vlogs.”
Kasunod ito ng naging imbestigasyon ng Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS), sa social media posts ni Fontillas.
Kaugnay nito, inatasan ng NAPOLCOM si Fontillas na magsumite ng kanyang komento o Counter-Affidavit sa loob ng limang araw.
Ayon kay Comm. Rafael Calinisan, pagkakataon na ito ni Fontillas para patunayan kung siya nga ay karapat-dapat na maging isang pulis sa pamamagitan ng pagsagot sa mga kasong isinampa laban sa kanya. “Tapusin na natin ito. Ipaglaban niya ang kanyang panig sa papel at harapin niya ang kaso.”
Hinimok din ni Calinisan si Fontillas na magpasuri muli sa sinumang doktor sa halip na mag-post ng mga paninira sa kanyang social media pages.
Dahil aktibong miyembro pa rin ng PNP si Fontillas, inatasan siyang mag-report sa QCPD sa lalong madaling panahon o maharap sa karagdagang parusa. | ulat ni Merry Ann Bastasa