Tututukan na ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato at mamamayan ng Quezon City na mapapatunayang namimili at nagbebenta ng boto kaugnay ng nalalapit na midterm elections.
Ayon kay Atty. Jan Fajardo ng Comelec –Quezon City, simula ngayong Martes ay ia-activate o pakikilusin na ang binuong QC- Kontra Bigay Committee.
Bukod sa Comelec, kasama sa Kontra Bigay Committee ang Philippine National Police ( PNP), Department of Education (DepEd), Civil Service Commission (CSC), Department of Social Welfare and Development (DWSD), PPCRV, Joint Task Force-Armed Forces of the Philippines (JTF-AFP) at iba pang ahensiya.
Nakatakda namang isagawa ang pulong ng Kontra Bigay Committee sa QC Hall na dadaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya.
Sa ilalim ng Resolution 11104 ng Comelec na nagbubuo sa Kontra Bigay Committee at Local Kontra Bigay Committee, binibigyan ng Comelec ang komite ng kapangyarihan na wakasan ang vote buying at vote selling sa bawat lokalidad sa bansa.
Ayon kay Atty. Fajardo, plano rin nilang pabilisan ang pagrereklamo sa vote buying bukod sa normal na proseso katuwang ang Department of Justice (DOJ) at PNP upang kumalap ng mga ebidensya hinggil dito. | ulat ni Merry Ann Bastasa