Ipinaaalala ng Korte Suprema sa mga nagnanais kumuha ng Bar Examinations ngayong 2025 na ang deadline ng aplikasyon ay hanggang bukas na lamang Marso 17, 2025, araw ng Lunes, eksaktong alas-tres ng hapon.
Ayon sa Office of the 2025 Bar Chairperson na si Supreme Court Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, kinakailangang tiyakin ng mga aplikante na nasunod nila ang lahat ng requirements bago ang itinakdang deadline. Upang maiwasan ang anumang aberya, pinapayuhan silang basahin ang 2025 Bar Examinations – Frequently Asked Questions at ang BARISTA User Guide, na makikita sa opisyal na website ng Korte Suprema.
Para sa mga katanungan o paglilinaw, maaaring makipag-ugnayan sa Office of the Bar Confidant Help Desk sa pamamagitan ng kanilang website o tumawag sa (02) 8552 9690. Muli, mahigpit na ipinaalala ng Korte Suprema na walang extension ang deadline ng aplikasyon.
Maaalala noong 2024, umabot sa 10,490 ang kumuha ng Bar Examinations, at 3,962 sa kanila ang pumasa, na may passing rate na 37.84%.
Itinakda naman ang petsa ng pagsusulit ngayong taon sa darating ng Setyempre 7, 10, 14. | ulat ni EJ Lazaro