Bumisita ang Special Committee on Cybercrime and Electronic Evidence ng Korte Suprema sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC sa Bonifacio Global City, Taguig.
Pinangunahan nina Court of Appeals Associate Justices Jose Lorenzo Dela Rosa at Wilhelmina Jorge-Wagan ang komite, kung saan ipinaliwanag ng CICC ang kanilang mandato at mga makabagong teknolohiya sa pagsugpo ng cybercrime.



Ayon kay CICC Executive Director Alexander Ramos, mahalaga ang pagpapaliwanag sa hudikatura tungkol sa electronic evidence, lalo na sa chain of custody nito.
Dagdag pa niya, ang pagpapabuti ng ebidensiya ay magreresulta sa mas mataas na conviction rate sa mga kasong may kinalaman sa cybercrime.



Tinalakay rin sa pagpupulong ang mga makabagong kasangkapan laban sa cybercrime gaya ng anti-deepfake detector, social media monitoring, at IMSI detector.
Dumalo rin sa pulong ang mga kinatawan mula sa PNP Anti-Cybercrime Group, NBI, UP Law Center, at iba pang ahensya.
Sa gitna ng paglaganap ng fake news at cyber threats, patuloy ang mga hakbang ng Korte Suprema upang palakasin ang mga panuntunan sa cybercrime investigation at prosecution. | ulat ni Lorenz Tanjoco