Ipinababatid ng Malacañang sa publiko na mayroong alok na libreng bakuna kontra tigdas ang Marcos administration, lalo’t target ng pamahalaan, na mai-akyat sa 400,000 ang bilang ng mga batang makakatanggap ng libreng bakuna kontra tigdas.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro kasunod ng datos ng DOH na nakakita ng pagtaas sa kaso ng mga tigdas sa bansa o 922 na kaso mula January hanggang March 1, 2025.
Mas mataas ito ng 35% mula sa 638 cases na naiulat sa kaparehong panahon noong 2024.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng opisyal na mayroong ‘Bakunahan sa Purok ni Juan’ program ang Department of Health (DOH) sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, hanggang sa March 28.
“Sana po maipahatid natin ‘to sa taumbayan na mayroon po tayong “Bakunahan sa Purok ni Juan” at magkakaroon po ito ha – ito po iyong measles catch up immunization campaign at sa selected LGUs po dito sa Metro Manila at ito’y ginaganap na po, March 17 up to 28.” — Usec. Castro.
Nananawagan ang Palasyo sa magulang ng mga bata na dumulog sa mga health center at samantalahin ang libreng bakuna.
“So, kung ang kababayan po natin ay may mga panahon, punta lamang po sila sa health centers at maia-avail po nila itong pagbabakuna especially po sa sinasabi nating tigdas.” — Usec. Castro. | ulat ni Racquel Bayan