Opisyal nang inilunsad ngayong araw ang kampanya para sa Secure, Accurate, Free, and Fair 2025 National and Local Elections.
Sa isang makasaysayang Unity Walk at Peace Covenant Signing, nagtipon ang mga kinatawan mula sa gobyerno, law enforcement agencies, relihiyosong sektor, at iba pang grupo ng lipunan upang pagtibayin ang kanilang paninindigan para sa isang ligtas, tapat, at maayos na halalan.
Sa nasabing aktibidad, tanging ticket lang ng kasalukuyang pamunuan o Team Asenso Manileño na pinangunahan ni Manila City Mayor Honey Lacuna ang dumalo at nakiisa sa nasabing peace covenant signing.

Sa ilalim ng kasunduang ito, nangako ang mga lumagda na:
• Siguruhin ang seguridad ng bawat Pilipino sa pagboto, malaya sa banta, pananakot, o karahasan.
• Pangalagaan ang katumpakan ng halalan sa pamamagitan ng tamang pagpapatupad ng mga proseso alinsunod sa batas at regulasyon ng Commission on Elections (COMELEC).
• Ipagdiwang ang kalayaang bumoto nang walang pamimilit o panlilinlang, at tiyakin ang patas na pagtrato sa lahat ng kandidato.
• Panatilihin ang kapayapaan sa tulong ng komunidad at mga awtoridad.
Dumalo din sa naturang aktibidad ang mga miyembro at opisyales ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, COMELEC, at iba pang opisyal ng gobyerno at simbahan.
Nanawagan sila sa bawat Pilipino—kandidato man o botante—na magkaisa tungo sa isang mapayapa at maayos na halalan. | ulat ni Lorenz Tanjoco
