Inaresto ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang limang Chinese nationals na kabilang sa blacklist ng ahensya matapos tangkain ng mga itong tumakas papuntang Sabah, Malaysia, sa pamamagitan ng iligal na backdoor route mula Tawi-Tawi.
Kinilala ang mga naaresto na sina Ying Guanzhen, 31-anyos; Yang Jinlong, 29; Liu Xin, 28; Shen Kan, 36; at Luo Honglin, 27. Dalawa sa kanila ang wanted fugitives sa China, habang lahat ay sinasabing may koneksyon sa Lucky South 99, isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na sinalakay noon dahil sa umano’y iligal na aktibidad.
Ayon sa BI, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa government intelligence agencies hinggil sa tangkang pagtakas ng grupo sakay ng bangka mula Tawi-Tawi patungong Sabah, sa tulong ng isang ‘transporter’ o isang indibidwal na nag-aayos ng iligal na biyahe palabas ng bansa.
Naunsyami ang kanilang planong tumakas matapos masiraan ng makina ng sinasakyan nilang bangka malapit sa Languyan Island, Tawi-Tawi. Kaagad silang na-intercept ng mga awtoridad mula sa BARMM at ineskortahan patungong Zamboanga City, kung saan kinumpirma ng BI ang kanilang blacklist status at immigration violations.
Inatasan ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang agarang pag-aresto sa lima at pinasalamatan ang mahigpit na koordinasyon ng intelligence agencies na nagbunga ng matagumpay na operasyon.
Nanawagan din si Viado sa mga lokal na pamahalaan at law enforcement agencies na manatiling mapagmatyag upang mapigilan ang iligal na pagpasok at paglabas ng mga dayuhang kriminal.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang lima habang inaasikaso ang kanilang deportation proceedings. | ulat ni EJ Lazaro