Inanunsyo ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na epektibo sa March 26, 2025, palalawigin ang operasyon ng LRT-1 tuwing weekdays. Ang huling tren mula Dr. Santos Station ay aalis ng 10:30 PM, habang mula naman sa Fernando Poe Jr. Station ay 10:45 PM—kapwa mas mahaba ng 30 minuto mula sa dating schedule.
Wala namang pagbabago sa unang biyahe ng tren: 4:30 AM sa weekdays at 5:00 AM tuwing weekends at holidays.
Ayon kay LRMC President at CEO Enrico Benipayo, ang bagong schedule ay tugon sa panawagan ng Department of Transportation (DOTr) na pahabain ang serbisyo para sa mas maraming pasahero, habang sinisiguro pa rin ang maayos na maintenance ng mga tren.
Pinapayuhan ang mga commuter na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe dahil magsasara ang ticket booths limang minuto bago ang huling tren. Para sa updates, bisitahin ang opisyal na Facebook at X accounts ng LRT-1 o i-download ang ikotMNL mobile app. | ulat ni Lorenz Tanjoco