Opisyal nang inilunsad ng Light Rail Manila Corporation o LRMC, katuwang ang Renacimiento Manila ang bagong South Route ng LRT-1 ikot MNL Heritage Transit Tour.
Ayon sa Light Rail Manila Corporation, layunin nitong ipakita ang mayamang kasaysayan ng lungsod habang bumibiyahe sakay ng LRT-1.
Matapos ang matagumpay na Central at North Route Tours, ang South Route ay magdadala ng mga kalahok sa mga makasaysayang lugar tulad ng Arroceros Park, Metropolitan Theater, Baclaran Church, at Parañaque Cathedral.
Mula LRT-1 Central Station hanggang Pedro Gil Station, hatid nito ang isang kakaibang educational tour na may kombinasyon ng biyahe at paglalakad.
Ayon kay LRMC Corporate Communications Head Jacqueline Gorospe, kasabay ng pagbubukas ng limang bagong istasyon sa Cavite Extension Phase 1, nais nilang ipakita kung paano nagiging tulay ang LRT-1 sa mga natatanging yaman ng Maynila at mga karatig-lungsod.
Para sa mga interesadong lumahok, maaaring magparehistro sa Facebook page ng Renacimiento Manila. Huwag palampasin ang pagkakataong muling tuklasin ang kasaysayan ng Kamaynilaan. | ulat ni Lorenz Tanjoco