Naglabas na ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa may-ari at driver ng pick-up truck na umano’y nakatulog habang nagmamaneho.
Sa viral video, makikitang mabagal na umaandar ang pick-up truck sa Visayas Avenue, Quezon City at binabangga na ang center island ng kalsada. Makikita rin na nabangga na ang isang motorsiklo pero hindi pa rin ito humito. Tinangka ring gisingin ng ilang motorista ang driver.
Ayon kay LTO Chief Atty. Vigor Mendoza II, kailangang ipaliwanag ng driver kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa, at inaalam din kung siya mismo ang nagmamaneho noong nangyari ang insidente. Nakatakdang humarap sa LTO ang driver sa April 4.
Sinimulan na rin ng LTO ang imbestigasyon kaugnay sa insidente at nais nilang matukoy kung talagang nakatulog ang driver o kung may medical condition ito na dapat patunayan.
Kabilang sa posibleng kaharaping reklamo ng driver ang reckless driving, driving under the influence of liquor at unauthorized person to operate a motor vehicle.
Bukod sa pagpapaharap sa driver na taga-Quezon City, inilagay na rin sa alarma ang nasabing pick-up truck. | ulat ni Diane Lear