Umaapela ang Malacañang sa mga lokal na kandidato na panatilihin ang kapayapaan, at maging mahinahon, sa oras na magsimula na ang campaign period sa local post sa susunod na linggo, sa harap pa rin ng nalalapit na May elections.
Pahayag ito ni Communications Usec Claire Castro, kasunod ng datos mula sa Commission on Elections (COMELEC) na nakakita ng pagbaba sa bilang ng mga lugar sa bansa na humaharap sa election-related threats.
“Ang nais lamang po natin ay maging mahinahon sa kanilang pangangampanya, maging maayos, maging makatotohanang sa kanilang mga sasabihin. Huwag po sana silang magsagawa ng anumang pananalita na magki-create pa ng kaguluhan.” —Usec Castro.
Sa datos, mula 177 areas na nasa ilalim ng orange category, nasa 156 na lamang ito. Habang nasa 36 na lamang ang nasa red category, mula sa dating 38.
Ayon sa opisyal, ito naman talaga ang ninanais ng Marcos Administration, na magtulungan ang lahat, para sa pagsusulong ng isang maayos at credible na halalan sa Mayo.
“Tayo po ay…iyan din po ang ninanais ng administrasyon makipagtulungan tayo sa lahat ng ahensiya para po magkaroon po tayo specially sa eleksiyon at maging credible po ang mangyayaring eleksiyon sa susunod na May 2025.” —Usec Castro. | ulat ni Racquel Bayan