Pinatitiyak ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Finance (DOF) na magiging maayos, episyente, at hassle-free ang pagpapatupad ng VAT (Value Added Tax) refund para sa mga dayuhang turista sa bansa.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng opisyal na paglulunsad ng VAT refund mechanism para sa mga dayuhang turista sa Pilipinas.
Ayon kay Gatchalian, ang VAT refund ay isang mahalagang mekanismo sa pagtataguyod ng Pilipinas bilang isa sa mga major tourist destinations sa rehiyon.
Aniya, kasabay ng pagdami ng mga turistang bumibisita sa Pilipinas, inaasahan ding mabilis na lalago ang sektor ng turismo sa mga kanayunan, masusuportahan ang domestic consumption, gaganda ang investment, at makakalikha ng mas maraming trabaho para sa ating mga kababayan.
Sinabi ng mambabatas na ang VAT refund ay bunga ng matagal nilang pinagtrabahuhan sa Senado.
Binigyang-diin ni Gatchalian na kapag mas marami ang gagastusin ng mga turista dito sa ating bansa, mas malaki ang kikitain ng mga lokal na negosyo at manggagawa. | ulat ni Nimfa Asuncion